Pagbangon sa Pinatubo

Hindi pagputok ng bulkan ang ipinunta namin ni Mon sa Bridal Fair.

Pero sino nga bang mag-aakalang ang halos tatlong oras naming pag-iikot  sa SM Megatrade Hall ay magtatapos sa pag-order ng abo ng bulkan galing sa Pinatubo.

Lumapit lang kami sa medyo malaking booth na 'yon para usyusohin ang mga nagkikintabang gintong frames at display items. Maganda ang mga designs, malinis ang pagkagawa at marangya ang dating ng mga ito.

Pero dahil marami pa kaming kailangang gawin, isang ikot lang sa buong booth at handa na kaming lumipat sa iba.

Bago kami nakalayo ay tumawag si "my friend", si Mr. Rossano Osi,  na siyang nagsimula ng "Excel Frames and Decors". 

My friend na rin ang tawag namin sa kanya dahil mula unang pagkikita ay "my friends" na ang tawag niya sa amin.

By profession ay isang doktor si "my friend", at noong pumutok ang Mt. Pinatubo, June 15, 1991, isa sila sa mga naapektuhan sa Pampanga.

Nasaan ba kami noon? Grade 1 lang kami ni Mon at ni hindi pa magkakilala. Ang naalala ko lang, umabot ang ashfall sa bahay namin sa Lipa.

Wala pa kaming kamalay-malay noon na ang kalamidad na ito ay magsusulat sa kasaysayan ng di mabilang na kwento ng pagkadapa at muling pagbangon.

Kasama si "my friend" sa mga taong ito. Pagkatapos ng pagputok ng bulkan, nag-isip siya kung paano gagamitin ang napakaraming abo na bumalot sa kanyang buong bayan. Hindi na niya itinuloy ang karera sa medisina at doon niya sinimulan ang konsepto ng pagbuo ng frames at iba pang religious at display items mula sa mga abo. Ang mismong abo ng lahar ang nagbibigay ng matigas at matibay na kalidad sa mga ito.

Kung hindi ka kukwentuhan ni "my friend", hindi mo maiisip na ang nagkikintabang gintong pangdekorasyon ay dating walang kabuhay-buhay na mga abong ibinuga ng galit na galit na bulkang Pinatubo. Enero ng taong 2003 ng magpagawa si Cardinal Sin sa Excel Frames ng isang religious image ng Holy Family Commemorative Plate para sa gaganaping 4th World Meeting of Families sa Pilipinas. Ito ay iniregalo nya kay Blessed Pope John Paul II.

Hanggang sa kasalukuyan, nakadisplay pa rin ang memorabiliang ito sa Vatican Museum. Ang dating abo ay tinitingala na ngayon sa napakabanal na tahanan ng Papa sa Italya. 

Sa tingin ko, sa malabis na pagmamahal ni JPII sa Pilipinas, hindi malayong sa bawat pagtingin niya sa regalong ito, nag-uusal siya ng panalangin sa bawat pagkadapa at muling pagbangon ng pamilyang Pilipino.

Sales talk man o hindi, nakuha kami ng kwento ni "my friend". Isa kasi sa mga natutuhan namin sa buhay at sa isa't-isa ay ang halaga ng muling pagsisimula. Kung saan ka nadapa, doon ka rin babangon. Ang bawat abo ay pwedeng kuminang na parang ginto. 

Sa araw ng kasal, tamang tama itong thanksgiving gift sa aming mga magulang,ninong at ninang. Siguradong sila ma'y marami ring kwento ng ginto't abo.

"Sige my friend, pabili kami ng abo."

 

© Copyright 2012 Mon & Pia's Wedding 2012. All Rights Reserved
Sto. Domingo Church, Quezon City, Philippines
Contact No. Mon: (0922) 800-5093; Pai: (0922) 867-6463

This page was modified last October 3, 2012 by webmaster

2012 Souvenirs.